Liza Soberano, kinasuhan ang netizen na nagbitaw ng rape comment laban sa kaniya

Naghain na ng kasong kriminal ang aktres na si Liza Soberano laban sa isang netizen na nagbitaw ng rape comment laban sa kanya.

Kahapon, September 24, ay personal na nagtungo ang 22-year old Kapamilya Star sa Quezon City Prosecutor’s Office, kasama ang kaniyang manager na si Ogie Diaz, at abogadong si Atty. Jun Lim para pormal na maghain ng reklamo laban sa babaeng netizen.

Ang reklamo ay nag-ugat nang mag-tweet si Liza nitong September 6, 2020 upang ireklamo ang serbisyo ng dati niyang internet service provider (ang Converge ICT Solutions Inc.) kung saan nag-viral ang tweet ng aktres.


Dito nagkomento ang babaeng netizen, na may katungkulan sa kumpanyang inireklamo ni Liza sa kaniyang tweet.

Base sa kumalat na screenshot ng komento ng netizen, pinasaringan nito si Liza na “wala ng trabaho” kaya gumagawa ng ingay para “magkapera lang” at “di bale ng masira ang image.”

Tsaka idinugtong ng netizen ang salitang “sarap ipa-rape sa mga… ewan!”

Dito ay umalma si Liza at sinabing hindi niya ito palalampasin.

Maging ang mga netizens at fans ng aktres ay binatikos ang komento ng babaeng telco employee kung saan agad na nag-trending sa Twitter ang salitang “Rape is not a Joke.”

Facebook Comments