Iginiit ni Senate President Tito Sotto III at ng pito pang mga senador ang agarang pagsisimula ng pilot test ng localized at limited face-to-face classes sa mga lugar na wala o mababa ang kaso ng COVID-19.
Nakapaloob ito sa Senate Resolution No. 663 na inihian ni SP Sotto at Senate Resolution No. 668 na inihain naman nina Senators Nancy Binay, Kiko Pangilinan, Grace Poe, Pia Cayetano, Joel Villanueva, Sonny Angara at Win Gatchalian.
Layunin nito na mapigilan ang pinsalang dulot ng pagsasara ng mga paaralan sa kalusugan, pagkatuto at kapakanan ng mga mag-aaral.
Sa ilalim ng Resolution ay inirerekomenda na simulan ang pilot testing sa 1,065 pampublikong paaralang mapipili ng Department of Education (DepEd) sa risk assessment nito.
Ayon din sa naturang resolusyon, ang mga isasagawang pilot test ay dapat maging mahigpit sa pagpapatupad ng mga health protocols at iba pang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Nakasaad sa resolusyon, na ang mga pilot test ay makalilikom ng mga ebidensya at karanasan upang magabayan ang ligtas na pagbubukas ng mga paaralan.
Paliwanag naman ni Sotto, kailangan ng magbukas ng klase sa mga lugar na ligtas na itong maisagawa para mapahusay ang edukasyon ng mga bata.