Lockdown, itinuturong dahilan kung bakit natengga ang labi ng mga Pilipinong nasawi sa KSA

Naipon ang labi ng mga kababayan nating nasawi sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA) dahil sa tatlong buwang lockdown bunsod ng COVID-19 pandemic.

Ito ang itinuturong dahilan sa ngayon ni Philippine Ambassador to the Kingdom of Saudi Arabia Adnan Alonto kung bakit lumobo sa 353 ang bilang ng labi ng mga kababayan nating kailangang maiuwi sa bansa at mailibing sa Saudi Arabia.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Ambassador Alonto na sa nasabing bilang, 107 ang COVID-19 related deaths, habang ang nalalabing 246 ay natural ang cause of death.


Ayon kay Alonto, sa ngayon ay nakikipag-ugnayan ang ating Embahada sa Saudi Arabia government matapos magbigay ng 72 hours na taning si King Salman ng Kingdom of Saudi Arabia para maiuwi ang lahat ng labi ng ating mga kababayan dito sa Pilipinas.

Paliwanag nito, ang mga nasawi nating kababayan dahil sa COVID-19 ay kinakailangang mailibing na mismo sa Saudi Arabia base na rin sa inilabas na guidelines, habang ang ilan na iba ang sanhi ng ikinamatay ay maaaring maiuwi ang mga labi dito sa bansa.

Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang Embahada sa mga naulilang pamilya ng mga nasawing Overseas Filipino Workers (OFWs), kasabay nang pagtiyak na makakatanggap ang mga ito ng mga benepisyo.

Facebook Comments