Tinukoy ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na ang logistical challenges ang dahilan kung bakit muling naudlot ang pagdating sa bansa ng mga bakuna mula sa Russia.
Ngayong araw kasi ang petsa kung kailan sana darating ang 15,000 doses ng mga Sputnik V.
Isa sa mga tinukoy na hamon ng kalihim ay walang direct flights mula sa Russia patungong Pilipinas.
Kanina, sinabi ng Department of Health (DOH) na sa May 1 na ang dating ng mga bakuna sa bansa.
Kasunod nito, sinabi ni Roque na gumagawa na ng paraan si National Task Force Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez upang matiyak na makakarating na sa Mayo ang mga inorder nating bakuna sa Gamaleya.
Una nang sinabi ng kalihim na trial order pa lamang muna ang paparating na 15,000 doses ng Sputnik V dahil nais munang mapag aralan ng pamahalaan ang tamang handling o pangangalaga rito.
Medyo maselan ang storage nito dahil nangangailangan ng negative 20 degrees temperature kumpara sa Sinovac at AstraZeneca na regular refrigeration lang ang kailangan.