Lokal na pamahalaan ng Maynila, iminungkahi na ibalik na lang sa kanila ang pamamahagi ng SAP sakaling magkaroon muli nito

Iminumungkahi ngayon ni Manila Mayor Francsco “Isko” Moreno Domagoso na ibalik na lamang sa lokal na pamahalaan ang pamamahala sa pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP).

Ito’y sakaling magkaroon pa muli nito dahil na rin sa banta ng COVID-19 kung saan iginiit ni Moreno na ang ilan sa kaniyang mga kababayan ay hindi nakatanggap ng ikalawang bugso ng SAP.

Ayon kay Mayor Isko, sakaling magkaroon muli ng SAP, tinitiyak nito na mas mabilis at epektibo ang pamamahagi nito kung ang lokal na pamahalaan na ang mamamahala.


Nagbanta rin ang alkalde sa bawat opisyal sa lungsod ng Maynila na hindi niya palalagpasin at kukunsintihin ang katiwalian ng mga ito lalo na kung ang taong bayan ang na-agrabiyado.

Aniya, hindi nararapat na gumawa ng katiwalian ang mga opisyal ng barangay lalo na ngayong nasa gitna ng pandemya ang bansa at ang mga mahihirap ang mas lalong nangangailangan.

Matatandaan na pinakakasuhan ni Mayor Isko ang isang chairman sa tondo na si Augusto “Jojo” Salangsang ng Barangay 261 Zone 24 dahil sa panghihingi umano nito ng P1, 000 sa mga nakatatanggap ng pera mula sa SAP.

Facebook Comments