Lokal na Pamahalaan ng Maynila, muling namahagi ng mga face mask; Kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod, umabot na ng higit 300

Muling namahagi ng mga face mask ang Lokal na Pamahalaan ng Maynila sa bawat pamilya sa 892 na Barangay sa lungsod.

Aabot sa 600,000 face mask ang ipinamahagi kung saan nagmula ito sa kumpaniyang LBC.

Ayon kay Mayor Isko Moreno, isang face mask ang ibibigay sa mga may hawak ng quarantine pass sa bawat pamilya.


Sinabi pa ng Alkalde na malaking tulong ito bilang pang-proteksyon habang bumibili ng pagkain sa labas ng mga bahay ang isang miyembro ng pamilya kung saan 500,000 na mga face mask washable habang 100,000 ay mga surgical face mask.

Samantala, pumalo na sa 344 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Lungsod ng Maynila.

Sa datos ng Manila Health Department, nasa 45 na ang nasawi habang 30 naman ang nakarekober sa sakit.

Umabot din sa 492 ang suspect sa COVID-19 at nasa 81 ang probable.

Dahil dito, muling nananawagan ang Lokal na Pamahalaan ng Maynila at ang Manila Health Department sa bawat residente na manatili sa loob ng kanilang tahanan at sumunod na lamang sa umiiral na Enhanced Community Quarantine para hindi lumaganap pa ang COVID-19.

Facebook Comments