Dahil sa dami ng mga residente at hindi residenteng nais sumalang sa libreng COVID-19 test, plano ngayon ng lokal na pamahalaan ng Maynila na dagdagan pa ang walk-in COVID-19 testing center.
Bukod pa rito ang kabubukas na testing center sa Ospital ng Sampaloc at mga drive-thru testing center sa Quirino Grandstand at sa tapat ng Andres Bonifacio Shrine na katabi lang ng Manila City Hall.
Nabatid kasi na hanggang 200 ang quota sa walk-in COVID-19 testing center sa Ospital ng Sampaloc kung kaya’t nais nilang magtayo pa nito sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, Ospital ng Tondo, Justice Jose Abad Santos General Hospital at Ospital ng Maynila.
Kasabay nito, nananawagan si Manila Mayor Isko Moreno sa publiko ng donasyon upang maipagpatuloy ang libreng COVID-19 walk-in at drive thru testing centers.
Ayon sa alkalde, ang donasyon ay ipambibili ng mga kailangang reagent na ginagamit sa pagsusuri ng blood samples mula sa mga pasyente.
Sa kabuuan, umaabot na sa 878 ang nasuri mula ng buksan ang mga testing centers kung saan 494 dito ay residente ng Maynila habang 384 ang hindi.
Ang mga nasabing testing centers ay bukas mula Lunes hanggang Biyernes alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.