Pinawi ni Manila Mayor Isko Moreno ang pangamba ng publiko hinggil sa magiging kalagayan ng mga bakuna kontra COVID-19 sa gitna ng posibleng brownout.
Ayon sa alkalde, sinisiguro niyang ligtas ang mga nasabing bakuna na nananatili sa kanilang mga storage facility sa lungsod.
Sinabi pa ni Mayor Isko na walang dapat na ipag-alala sakaling magkaroon ng biglang pagkawala ng supply ng kuryente dahil may mga naka-standby na generator.
Ipinagmalaki pa ni Moreno na ang storage facility ng pamahalaang lungsod ay nasa maaayos na kalagayan kung saan mapananatili nito ang kaligtasan ng mga bakuna.
Samantala, inalmahan ng alkalde ang panuntunan na pinaiiral ng ibang bansa sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) na kailangang Western brand ng COVID-19 vaccine ang ibabakuna sa kanila upang makabalik sa trabaho.
Iginiit ni Moreno na ang nasabing patakaran ay isang diskriminasyon sa ibang bansa.
Aniya, kung magiging ganito ang gagamiting patakaran ay maaaring pairalin din niya ito sa Maynila pero umaasa siya na mareresolba ang nasabing isyu sa lalong madaling panahon upang hindi maapektuhan ang mga OFW.