Lola na courier ng shabu, naaresto sa operasyon sa Infanta, Quezon

Hindi na nakapalag pa at umamin na lang sa krimen ang 63-anyos na lola sa Infanta, Quezon matapos makuhaan ng 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng 200,000 piso.

Kinilala ang lola na si Marilyn Galvan alyas Marilou Garcia Tan, residente ng Bulacan.

Pasado alas 6:00 ng gabi kagabi nang isagawa ng pulisya ang buy bust sa harap ng isang electronic trading sa Paterno St. Poblacion 39, Infanta, Quezon.


Ayon kay Police Major Dandy Aguilar, hepe ng Infanta, Quezon PNP, isinumbong ang lolang suspek ng mga naunang naarestong drug suspek.

Inamin din ng suspek na ikatlong beses na siyang naghatid ng drugs sa Infanta, Quezon.

Binabayaran daw sya ng 10,000 pesos kada deliver at inaabot sa kaniya ang droga sa isang mall sa Alabang, Muntinlupa City.

Hindi niya raw kilala sa personal ang lalaking nag-uutos sa kaniya sa pammagitan ng tawag sa cellphone.

Nahaharap ang lolang suspek sa paglabag sa Comprehensive Dangerous drugs act.

Facebook Comments