Cauayan City, Isabela- Inireklamo ng kaanak ang umano’y deklarasyon ng isang government hospital sa Santiago City na pumanaw ang kanilang lola dahil umano sa COVID-19.
Sa eksklusibong panayam ng iFM Cauayan kay alyas ‘JANE’, apo ng namatay na lola, March 23 ng isugod sa dalawang pribadong hospital ang kanyang lola subalit tinanggihan umano sila at sinabing sa emergency (SIMC) idala ang kanilang nag-aagaw buhay na lola.
Bago pa man dumating sa naturang hospital, idineklara umano itong ‘dead on arrival’ dahil sa pumutok na ugat sa ulo, base sa paunang pagsusuri ng doktor.
Hapon naman ng March 23 ng sabihan sila na ilalagay sa freezer ang kanilang lola habang hinihintay ng 3-araw ang paglabas ng resulta.
Kinabukasan (March 24), nakatanggap umano sila ng tawag mula sa SIMC na sinasabing COVID-19 positive ang ikinamatay ng kanilang lola at kaagad na ililibing batay sa polisiya.
Ipinagtataka naman umano ng mga kaanak ang paglibing ng mga kasapi ng LGU sa kanilang lola na sana ay nakasuot ng Personal Protective Equipment (PPE) bilang pag-iingat sa banta ng COVID subalit walang suot ang mga ito ng gawin ang paglilibing sa isang pampublikong sementeryo.
Base sa ipinadalang video sa iFM news team, makikita ang paglibing sa kanilang lola ng walang suot na PPE.
Sa panayam naman ng iFM Cauayan kay Juvilyn Basilio, Hospital Operation Director ng De Vera Medical Center, hindi naman sa tinanggihan ang pasyente dahil full-capacity na ang lahat ng hospital sa lungsod.
Aniya, seguridad rin ng mga health worker ang isa sa kanilang sinisigurong maging maayos upang tuloy-tuloy na makapagbigay ng serbisyo sa mga pasyente.
Paiimbestigahan naman ang nasabing insidente at kaniyang pagtitiyak na ginagawa nila lahat na tugunan ang kailangan ng mga pasyente sa kabila ng pandemya.
Samantala, sinusubukan naman ng news team na mahingan ng komento ang pamunuan ng Southern Isabela Medical Center hinggil sa isyu.