Lola, Nagpositibo sa COVID-19 sa Santiago City

Cauayan City, Isabela- Isang panibagong kaso na positibo sa COVID-19 ang muling naitala sa Lungsod ng Santiago.

Batay sa social media post ng City Government of Santiago, ang panibagong kaso na naitala ay isang 63 taong gulang na babae mula sa Brgy. Mabini, Santiago City.

Ang pasyente ay nakuhanan ng swab bilang specimen sample upang masuri para sa COVID-19 noong ika-18 ng Hunyo 2020 sa isinagawang mass testing sa mga miyembro ng AGAP at Sweet Club ng Lungsod.


Ang pasyente ay asymptomatic o walang anomang sintomas sa nasabing karamdaman.

Ayon sa City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU), wala umanong history of travel ang pasyente kaya’t kasalukuyan pang inaalam kung paano nito nakuha ang nakamamatay na sakit.

Nasa pangangalaga na ngayon ng Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Lungsod ang pasyente para sa kaukulang atensyong pangmedikal.

Kasalukuyan na rin ang isinasagawang contact tracing para sa lahat ng posibleng nakasalamuha ng nagpositibo sa pamamagitan na rin ng pagtutulungan ng CESU, DILG at PNP kasama na ang buong pamahalaang lokal ng Lungsod ng Santiago.

Facebook Comments