
Kinwestyon sa Day 43 ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang biyahe sa Japan ni Atty. Mans Carpio noong 2023 kung saan naging malaking isyu dito ang mahigit ₱205,000 na ginastos nito sa isang kainan lang.
Sa paglilitis ay humarap si Atty. Anel Martin Antero para patunayan ng depensa na ang mga pangyayari sa naging biyahe sa Ginza Inakaya Tokyo, Japan patungkol sa mahigit ₱205,000 ay naka-charge sa credit card ni Carpio at para pasinungalingan ang alegasyon sa Article 2 o ang hindi maipaliwanag na yaman at hindi tamang pagdedeklara ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng bise.
Sa direct-examination ni Atty. Lindon Bacquel kay Antero, sinabi niya na 11 silang bumyahe sa Japan at inamin niyang nagulat siya na inabot ng mahigit ₱205,000 ang bayarin sa kinain nila sa Inakaya Restaurant.
Sinabi rin ni Antero na ginamit nila ang credit card ni Carpio para bayaran ang kinain sa restaurant at nagbayad din sila kalaunan kay Carpio.
Sa cross-examination naman ni Atty. Amando Virgil Ligutan, ipinakita ang larawan ni Antero kasama ang mag-asawang Vice President Sara Duterte at Carpio at inamin niyang matagal na silang magkaibigan at bahagi rin siya ng legal team ng bise.
Gayunman, nang matanong ni Ligutan si Antero kung may larawan ba itong maipapakita para patunayan na 11 nga silang nasa biyahe ay wala itong maipakita at wala rin siyang maipakita na pruweba o dokumento na magpapatunay na nagbayad nga sila kay Carpio sa kanilang kinain.
Hindi rin maalala ni Antero na tumanggap siya ng ₱580,000 na bayad mula kay Carpio noong July 2020 na makikita sa covered transaction na report ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Naging mainit naman ang palitan ng sagot ng mga abogado ng depensa at prosekusyon tungkol sa ₱205,000 na ginastos sa isang kainan.










