Umapela si Sen. Nancy Binay sa Department of Labor and Employment o DOLE na tulungan ang nasa 120,000 empleyado na naapektuhan ng pagpapasara ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lotto outlet ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO.
Ayon kay Binay, maaaring gamitin ng DOLE ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD program nito para matulungan ang lotto workers.
Sa ilalim ng nabanggit na programa ay nagbibigay ang DOLE ng emergency employment sa loob ng 30-araw sa mga apektadong manggagawa.
Ang benepisaryo ng programa ay bibigyan ng 300-kada araw o may kabuuang 9-na libong piso sa isang buwan.
Ipinaliwanag ni Binay na habang hindi pa malinaw kung kailan ili-lift ang suspension sa PCSO gaming operations ay marami sa mga franchise operators ang tiyak na mapipilitan i-lay off ang kanilang mga empleyado dahil wala nang source of revenue para paswelduhin sila.
Katwiran ni Binay, may mga pamilyang binubuhay ang mga staff ng PCSO gaming outlets, at malaking bagay ang agarang tulong na maibibigay ng DOLE para maibsan ang epekto ng kanilang biglaang pagkawala ng trabaho.
Giit ni Binay, huwag sanang hayaan ng pamahalaan na umabot sa puntong kakapit sa patalim ang mga apektadong empleyado para lamang hindi magutom ang mga pamilya nila.