Hinimok ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga pribadong kumpanya na mag-hire o mag-lease ng mga pampublikong sasakyan gaya ng bus, UV Express, at moderno o traditional jeepneys na hindi makaka-biyahe ngayong Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Ito ay upang may magamit na shuttle service ng kani-kanilang empleyado.
Sa abiso ng LTFRB, inanunsyo nito na hindi na kinakailangang mag-apply ng special permit ang mga gagamiting pampublikong sasakyan sa loob ng MECQ na tatagal ng 14 na araw.
Kailangan lamang ay magpakita ng certificate/authorization letter o letter of intent mula sa kumpanya na may nakasaad na partikular na ruta, bilang patunay na ang pampublikong sasakyan ay ginagamit na shuttle service.
Patuloy na babantayan ng Department of Transportation (DOTr) at LTFRB ang estado ng road public transportation sa ilalim ng MECQ.