Inaprubahan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagtaas ng pasahe sa Traditional Public Utility Jeepneys (TPUJs) at Modern Public Utility Jeepneys (MPUJs), Public Utility Buses (PUBs), Taxi and Transport Network Vehicle Service (TNVS) ngayong Biyernes, Setyembre 16, kasunod ng mga petisyon na inihain ng mga transport group.
Sa inilabas na desisyon ng LTFRB, inaprubahan ang P1 na provisional increase para sa TPUJ at MPUJ sa unang apat na kilometro na magtataas sa minimum na pamasahe sa TPUJ sa P12 at MPUJ sa P14.
Magkakaroon din ng karagdagang pamasahe na P0.30 sa bawat susunod na kilometro para sa TPUJ at P0.40 sa MPUJ.
Ang pamasahe sa bawat susunod na kilometro para sa TPUJ ay magiging P1.80 mula sa P1.50, at P2.20 mula sa P1.80 para sa MPUJ.
Magkakaroon din ng karagdagang pamasahe na P0.40 kada kilometro para sa mga ordinaryong bus at P0.45 para sa mga may aircon, at karagdagang P0.35 bawat kilometro para sa mga provincial bus.
Ang pamasahe kada susunod na kilometro sa ordinary bus ay magiging P2.25 mula P1.85, P2.65 mula P2.20 para sa may aircon, at P1.90 mula P1.55 sa mga provincial bus.
May P5 umento rin sa flagdown rate ng mga taxi at TNVS, kung saan ang minimum na pamasahe para sa taxis at sedan-type TNVS ay magiging P45 at P55 naman sa AUV/SUV-type TNVS.
Para sa hatchback-type na TNVS, ang flagdown rate ay magiging P35.
Mananatili naman ang pamasahe sa kada kilometrong tatahakin para sa mga taxi at TNVS.