Armadong Chinese at Pinay, naaresto sa Pampanga

79

Arestado ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang armadong Chinese at ang kanyang Pilipinang kasama na nagsasagawa umano ng paniniktik sa potensyal na kidnap victim sa loob ng Clark Freeport Zone Mabalacat City, Pampanga.

Kinilala ni CIDG Director Police Brigadier General Ronald Lee ang mga suspek na sina Xiong Gang, 35; at Nete Joy Gallenero Juanico, 28.

Nakuha sa kanila ang 9mm pistol na may silencer at fully loaded magazine, isang black airsoft pistol at pares ng posas.


Unang nasita ang dalawa ng mga tauhan ng Clark Development Corporation Police habang nakasakay sa isang metallic blue Toyota Sedan na kahinahinala ang kilos sa tapat ng Clark Hills Village.

Ayon pa kay Lee, pagbaba ng bintana, nakita ng mga pulis ang baril sa tabi ng upuan ng suspek na naging dahilan para i-hold ang dalawa at tawagan ang CIDG Field Unit Angeles at Mabalacat City Police Station.

Facebook Comments