Libu-libong traditional jeepneys ang papayagang bumiyahe sa Metro Manila kasabay ng pag-apruba ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na buksan ang mga karagdagang ruta simula ngayong araw.
Sa ilalim ng Memorandum Circular 2020-043 ng LTFRB, nasa 10 ruta ang binuksan para makabiyahe muli ang nasa 1,006 authorized units.
Ang mga ruta ay mga sumusunod:
- EDSA/North Ave. – Quezon City Hall
- Marcos Ave. – Quirino Highway via Tandang Sora
- Dapitan – Libertad via L. Guinto
- Divisoria – Retiro via JA Santos
- Divisoria – Sangandaan
- Libertad – Washington
- Baclaran – Escolta via Jones, L. Guinto
- Baclaran – QI via Mabini
- Blumentritt – Libertad via Quiapo, Guinto
- Blumentritt – Vito Cruz via L. Guinto
Ayon sa LTFRB, papayagan ang mga roadworthy na traditional jeepneys para magpasakay ng mga pasahero sa mga inaprubahang ruta kahit walang special permit, pero kinakailangang mayroong special Quick Response Code.
Maaaring makuha ng mga tsuper at operator ang QR code sa website ng LTFRB na www.ltfrb.gov.ph at dapat itong i-imprenta at nakapaskil sa mga unit.
Nananatili sa 9 pesos ang minimum fare sa unang four kilometers at ₱1.50 sa mga susunod na kilometro.
Mahigpit pa ring ipatutupad ang safety protocols tulad ng pag-monitor ng body temperature, pagsusuot ng face masks at face shields at pagsunod sa social distancing guidelines kabilang ang 50% maximum passenger capacity.