Friday, April 10, 2026

LTFRB, naglabas ng show cause order laban sa isang kumpanya ng bus sa malagim na road crash sa Camarines Sur na ikinamatay ng hindi bababa sa limang indibidwal

Ipinatawag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang isang kumpanya ng bus kaugnay ng malagim na road crash sa Camarines Sur na ikinamatay ng hindi bababa sa limang indibidwal.

Ayon kay LTFRB Chairman Vigor Mendoza II, ang operasyon ng sangkot na pampasaherong bus na pag-aari ng Mark-Eves Transit Corporation ay sinuspinde na habang isinasagawa ang imbestigasyon at naisyuhan na rin ng show cause order.

Giit ni Mendoza, para sa interes ng due process ay pakikinggan ng LTFRB ang panig ng driver ng bus sa pamamagitan ng kumpanya.

Batay sa paunang police report, ang bus ay patungo sa Tabaco, Albay nang makasalpukan ang isang multi-cab ng lokal na pamahalaan sa Andaya Highway sa Ragay.

Lima ang kumpirmadong namatay habang walo ang napaulat na sugatan.

Umalis ang bus driver matapos ang insidente, pero kinalaunan ay sumuko sa mga awtoridad.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang LTFRB sa mga pamilya ng mga yumaong biktima, kasabay ng pagtitiyak na ibibigay ang nararapat na hustisya.

Inatasan na rin ang Land Transportation Office Region 5 (LTO Region 5) na magbigay ng tulong para sa agarang paglalabas ng insurance payment sa mga nasugatan at kaanak ng mga pumanaw.

Facebook Comments