
Iniisa-isa ngayon ng mga tauhan ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang hilera ng mga bus companies sa kahabaan ng EDSA Cubao sa Quezon City.
Ito ay upang masiguro ang ligtas na biyahe ng mga pasaherong uuwi ng probinsya ngayong mahal na araw.
Kabilang sa mga ininpeksyon ng LTFRB ang DLTB Bus na patungo ng Southern Luzon, Bicol at Visayas.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, hindi lang ang mga sasakyan ang dapat masuri ang pisikal na kondisyon, kundi maging ang mental condition ng mga driver.
Paalala ni Mendoza sa mga PUV drivers, manatiling mahinahon upang maiwasan ang away-kalsada.
Aniya, mataas na ang presyo ng diesel at gasolina, kung kaya’t huwag nang dagdagan pa ang gastos sa pangpiyansa.
Nasa 1,300 na passenger bus ang binigyan ng LTFRB ng special permits upang masigurong may sapat na masasakyan ang mga pasaherong uuwi ng probinsya ngayong Holy Week.










