Nilinaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi inirekomenda ng Technical Working Group (TWG) ang pagtapos sa 5-taong motorcycle taxi pilot program.
Binigyang diin ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III na wala silang rekomendasyon na limitahan ang programa sa tatlong motorcycle taxi player lamang sa Metro Manila.
Ani Guadiz, ang ipinahinto lang nila ay ang pangangalap ng datos at hindi ang programa.
Aniya, ang endorsement ng MC Taxi Technical Working Group ay para magdagdag ng mga player at palawakin ito sa mas maraming lugar.
Aniya, sa pagpapalawak ng bilang ng mga MC players at mga lugar ng operasyon, magbibigay-daan ito sa TWG na lubusang matiyak ang epekto ng pilot study.
Dagdag ng LTFRB chief, ang mga mambabatas ay naniniwala na ang limitadong pag-aaral ng tatlong players sa Metro Manila ay hindi sumasailalim sa isang masaklaw na pag-aaral sa epekto ng mga MC taxi sa kaligtasan at seguridad, ekonomiya, trapiko at sa iba pang mga pampublikong sasakyan.
Nauna nang tumanggap ang LTFRB ng apat pang Transport Network Companies (TNC) na may 8,000 accredited riders sa Region 3 at 4.
Sinabi pa ni Guadiz na nananatiling nakatuon ang LTFRB sa pagtiyak ng komprehensibo at inklusibong pagsusuri ng MC taxi pilot program sa pamamagitan ng pagpapalawak ng saklaw at mga kalahok nito.