LTFRB, nilinaw na wala pang inaaprubahang taas pasahe sa gitna ng tensyon sa Middle East

Nilinaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na wala pa itong inaaprubahang fare increase para sa Public Utility Vehicles (PUVs).

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III, wala munang aasahang adjustment sa pasahe habang hindi natatapos ang economic impact study ng National Economic and Development Authority (NEDA) .

Tiniyak ni Guadiz na anuman ang ilabas na desisyon ng LTFRB board, asahan na nakabatay ito sa resulta ng findings at recommendation ng NEDA alinsunod na rin sa umiiral na regulatory protocols.

Ginawa ni Guadiz ang paglilinaw matapos lumutang na may bagong taas-pasahe.

Dahil na rin umano ito sa pag aalburoto na ng mga transport operator na hindi na makayanan ang tumitinding hamon sa pag-o-operate ng public transport vehicles.

Patuloy kasi ang pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo na dulot ng pagkagambala ng daloy ng pandaidigang suplay sa langis dahil sa giyera sa Ukraine at sa umiigting na tensyon Middle East.

Naninindigan ang ahensya na mananatiling data-driven at balanced approach ang kanilang pagsusuri sa mga petisyon upang maikonsidera ang kapakaanan ng transport operators at ang financial capacity ng mga commuter.

Facebook Comments