
Nirerespeto ng Malacañang ang desisyon ni Vice President Sara Duterte na hindi dumalo sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa July 28.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, may choice naman ang bise presidente na hindi dumalo SONA.
Labas na rin aniya ang Palasyo kung ayaw marinig ni VP Sara ang mga programa at ginawang trabaho ng pangulo.
Matatandaang nag-abiso ang Office of the Vice President (OVP) sa House of Representatives bago pa man ipadala ang formal invitation para sa SONA sa mga opisyal ng pamahalaan, diplomatic corps, at VIP guests.
Gayunpaman, maglalaan pa rin ang Kamara ng upuan para kay VP Sara bukod sa holding room na nakalaan para sa kanya at sa kanyang staff.
Ito ang pangalawang pagkakataon na iisnabin ni VP Sara ang SONA ni PBBM matapos na hindi rin dumalo noong nakaraang tao at italaga ang sarili bilang “designated survivor.”