
Pinagpapaliwanag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang operator ng Sapang Palay Trans-Service and Multi-Purpose Cooperative, matapos ang umano’y viral na pagka-counterflow ng isa sa kanilang modern jeepney sa Caloocan City noong Lunes, November 16.
Ayon kay LTFRB Acting Chairman Atty. Greg Pua Jr., partikular na pinagpapaliwanag ng ahensya, kung bakit hindi dapat kanselahin o bawiin, ang kanilang Certificate of Public Convenience, dahil sa umano’y pag-i-employ ng reckless driver.
Dagdag pa rito, nakasaad din sa Show Cause Order, na ang pagka-counterflow ay isang paglabag sa mga umiiral na patakaran at regulasyon sa road safety and conditions sa Certificate of Public Convenience ng mga operator.
Samantala, nagpasalamat naman ang ahensya sa netizen na nag-upload ng nasabing video sa social media, dahil napabilis umano nito ang pagtukoy sa operator ng modern jeepney.










