
Kinilala at itinuro ng Philippine National Police (PNP) sa mas pinalakas na intelligence capabilities at mahigpit na koordinasyon sa mga lokal at dayuhang tagapagpatupad ng batas ang nangyaring pagpigil sa planong pamamaril sa isang paaralan sa Batac City, Ilocos Norte.
Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang mga otoridad mula sa United States Federal Bureau of Investigation (FBI), na nakamonitor sa mga pribadong online na pag-uusap ng mga indibidwal na umano’y nagpaplano ng sunod-sunod na pamamaril bilang pagganti sa mga taong nang-bully sa kanila.
Isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI), kasama ang lokal na pulisya sa Batac, lokal na pamahalaan, at City Social Welfare And Development Office (CSWDO), ang operasyon noong Nobyembre 15 hanggang 16 na nagresulta sa pagsagip sa mga menor de edad na sangkot, kabilang ang isang 16-anyos na lalaki na itinuring na pangunahing paksa ng plano.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., ang mga banta sa seguridad ay maaaring ma-develop sa mga pribadong online spaces at sa mga indibidwal mula sa iba’t ibang bansa at ang nasabing insidente ay nagpapakita lamang na walang isang ahensya ang makakapag-address ng mga ganitong hamon ng mag-isa lamang.
Tiniyak naman ng PNP na patuloy ang pagpapalakas ng kanilang capabilities at partnership sa lokal at dayuhang enforcement agencies dahil anila ang pagprotekta sa buhay lalo na sa mga kabataan ang pangunahing prayoridad ng pulisya.










