Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na tuloy ang distribusyon ng Fuel Subsidy Program sa mga Public Utility Vehicle (PUV) franchise grantees.
Kasunod naman ito ng panawagan ni Senador Grace Poe na ilabas na ang pondo ng programa sa ilalim ng 2022 National Budget.
Ayon sa LTFRB, kasalukuyang hinihintay nila ang naturang pondo mula sa Department of Budget and Management (DBM).
Sa sandaling mailabas ito, mapabilis ang pagbibigay ng subsidiya sa mga benepisaryo.
Bagama’t may pondo para sa pagpapatupad ng Fuel Subsidy Program, may special provision ang Department of Transportation (DOTr) kung saan mailalabas lang ang pondo oras na lumagpas ng $80 per barrel ang average ng Dubai crude oil price sa loob ng tatlong buwan, base sa Mean of Platts Singapore (MOPS).
Sa kabila nito, handa ang DOTr at LTFRB na ipagpatuloy ang Fuel Subsidy Program na inaasahang sa April 2022 pa muling maipatutupad.
Iginiit ng LTFRB na maayos namang naipapatupad ang programa simula noong Nobyembre, 2021.
Base sa datos ng ahensya, nasa 136,230 franchise grantees mula sa traditional at modern public utility jeepneys ang nabigyan ng fuel subsidy.