Saturday, October 24, 2026

LTO, nagsagawa ng inspeksyon sa mga pampasaherong bus bilang paghahanda sa Undas

COURTESY: Land Transportation Office

Sinimulan na ng Land Transportation Office (LTO) ang inspeksyon sa mga pampasaherong bus sa iba’t ibang terminal bilang paghahanda sa inaasahang dagsa ng mga biyahero ngayong Undas.

Sa ilalim ng Oplan Biyaheng Ayos Undas 2026, nagsagawa ang LTO, katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG), ng roadworthiness inspection sa mga bus sa Cubao, Quezon City at Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) noong Oktubre 23 at 24.

Layunin nitong matiyak na nasa maayos at ligtas na kondisyon ang mga sasakyang gagamitin ng publiko sa kanilang paglalakbay.

Sa kabuuan, 27 bus ang sinuri ng ahensiya at lahat ay pumasa sa inspeksyon.

Kasabay nito, namahagi rin ang LTO ng mga impormasyon at paalala sa mga driver kaugnay ng pagsunod sa batas-trapiko at responsableng pagmamaneho.

Tiniyak naman ng ahensiya na magpapatuloy ang inspeksyon at monitoring sa mga pangunahing terminal at kalsada upang matiyak ang ligtas na biyahe ngayong Undas.

Facebook Comments