Sinisiguro ng Land Transportation Office (LTO) sa publiko na lahat ng personal na impormasyon na kanilang natatangap sa bawat transaksyon ay protektado at ligtas.
Ito ang inihayag ng LTO matapos ang naiulat na may isang LTO District Office ang umano’y nire-require ang mga kliyente ng ID at password.
Ang mga nasabing kliyente ay ang mga pawang nag-a-apply ng renewal ng motor vehicle registration sa ilalim ng Land Transportation Management System (LTMS) Company Portal.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Teofilo Guadiz III, kasalukuyan na nilang iniimbestigahan ang insidente at kanilang papatawan ng parusa ang sinumang tauhan ng kanilang tanggapan na lalabag sa Republic Act No. 10173 o ang Data Privacy Act of 2012.
Aniya, kaya naman ng mga tauhan ng LTO na makita ang mga driver’s license o motor vehicle registration ng isang kliyente sa ilalim ng nasabing portal subalit hindi na kailangan pa kunin ang personal na account ng kliyente.
Sinabi pa ni Guadiz na ang LTMS company portal ay ginawa upang makapag-apply via online ang kliyente at mabawasan din ang oras ng proseso ng transaksyon kung saan sa pamamagitan nito ay gagawa ng account ang isang representative ng kompanya para makarehistro at maka-apply.
Mag-iisyu naman ang LTO ng guidelines sa paggamit ng ID ng isang kliyente para masiguro na nakakasunod sa patakaran ng Data Privacy Act.
Kaugnay rito, may mga technical assistance na inilaan para sa online transactions ng kliyente para maging mabilis at walang maging problema.