*Luna, Isabela – *Puspusan ang pagsasagawa ng mga otoridad ng kampanya laban sa droga sa bayan ng Luna, Isabela na target maideklarang Drug Cleared Municipality ngayong taong 2019.
Ito ang ipinahayag ni Police Senior Inspector Joseph Jonathan Binayug, hepe ng PNP Luna sa eksklusibong panayam ng RMN Cauayan sa kanya sa programang sentro serbisyo.
Ayon kay PSI Binayug, umabot na sa siyam na barangay ang drug cleared barangay sa bayan ng Luna habang pitong barangay ang kasalukuyang pinoproseso.
Aniya, hinihintay na lamang ang kumpirmasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa karagdagang deklarasyon ng drug cleared barangay sa naturang bayan.
Dagdag pa ni PSI Binayug, puspusan rin ang kanilang pagsasagawa ng assembly at drug symposium sa mga eskwelahan at nasasakupang barangay katuwang ang mga brgy officials at Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) upang mabantayang maigi ang kanilang lugar.
Kaugnay nito, nasa 104 ang kabuuang tokhang responder sa bayan kasama na ang tatlong drug surrenderee na sumasailalim sa Community Based Rehabilitation Program (CBRP).
Samantala, maigting rin ang kanilang ginagawang pagpapatupad sa Oplan Katok at pagsasagawa ng Checkpoint upang matiyak ang kapayapaan sa bayan lalo sa nalalapit na 2019 Midterms Election.
Pinayuhan naman ni PSI Binayug ang mga riders na makiisa at sumunod lamang sa kanilang instruksiyon kapag masita ang mga ito sa kanilang checkpoint upang walang maging problema sa kanilang paglalakbay.