Lungsod ng Cauayan, Makikipagpasiklaban sa Matagoan Festival ng Tabuk City!

Cauayan City, Isabela- Naghahanda na ang Cabaruan at Marabulig Extension bilang representante ng lungsod ng Cauayan para sa Matagoan Festival ng Tabuk City na gaganapin nitong darating na biyernes, ika bente tres ng Hunyo taong dosmil disi otso.

Ito ang ibinahaging impormasyon ni Dr. Renato Barientos, ang Principal ng Cabaruan Extension sa naging panayam ng RMN Cauayan kaninang umaga.

Aniya, mapalad umano ang Cabaruan at Marabulig Extension dahil napili ito para sa walong kalahok para sa naturang selebrasyon.


Pangangatawanan umano ng Cabaruan Extension ang Tribu Gaddang habang ipapakita naman ng Marabulig Extension ang Gawagaway-yan festival ng Lungsod ng Cauayan.

Napili umano ang Tribu Gaddang at Gawagaway-yan festival ng lungsod ng Cauayan dahil sa magkakasunod nitong natanggap na parangal kung saan lalahukan ito ng nasa mahigit isang daang mag-aaral mula rito sa lungsod.

Ayon pa kay Principal Barientos, makakatanggap umano ng halagang dalawang daang libong piso para sa magiging kampeon, Isang daan at limampung libong piso naman sa pangalawang pwesto at isang daang libong piso naman para sa pangatlong pwesto.

Umaasa naman ang nasabing Principal na maiuuwi ng lungsod ng Cauayan ang kampeonato at Malaki umano ang kanilang pasasalamat dahil sa suportang ibinigay ng pamahalaang Panlungsod.

Facebook Comments