Manila, Philippines – Lusot na sa Senate Committee on women, children, family relations and gender equality ang panukalang nagpapasimple sa proseso ng pag-aampon o ang Simulated Birth Rectification Act of 2018.
Sa Committee report number 498 na inilabas ni Committee Chairperson Senator Risa Hontiveros ay papayagan ng mabago ang record sa Civil Registry ng mga batang aampunin.
Kapag ito ay naisabatas, pwede ng ilagay sa kanilang mga dokumento sa Civil Registry ang pangalan ng sinuman na sa kanila ay mag-aampon.
Ikinatwiran sa panukala na sa ganitong paraan ay hindi na kailangan pang idaan sa Korte ang pag-aampon.
Ayon sa panukala, ang nais mag-ampon ay kailangan na lamang maghain ng petisyon sa Department of Social Welfare and Development officer sa lungsod o munisipalidad kung saan nakatira ang batang aampunin.
Ang petisyon sa pag-aampon ay pag-aaralan at pagpapasyahan ng kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa loob ng 30-araw.