MA. CORRINA CANOY FEEDING PROGRAM, NAGBIGAY TUWA SA 120 MAG-AARAL SA DAGUPAN CITY

Naging makulay at puno ng ngiti ang araw ng 120 mag-aaral ng Lasip Grande Elementary School matapos silang makatanggap ng pagkain, bitamina, at school supplies sa isinagawang Ma. Corrina Canoy Feeding Program kahapon.

Layunin ng programa na matulungan ang mga bata sa kanilang nutrisyon at pang-araw-araw na pangangailangan sa pag-aaral, bilang bahagi ng adbokasiya para sa kalusugan at kapakanan ng kabataan.

Pinangunahan ang aktibidad ng 104.7 iFM Dagupan, kasama ang Radio Mindanao Network, Inc. at RMN Foundation, sa tulong ng mga sponsor na kinabibilangan ng Jerome Lazo Car Rental Dagupan City, Quinn’s Water Refilling Station, Marigold Store, Honorable Councilor Doc Jaja Cayabyab, at The Medical City Pangasinan.

Nagpaabot ng pasasalamat ang principal ng paaralan na si Mrs. Jennifer Pulido, at pinuri ang lahat ng organisasyong nakiisa sa programa.

Nagbigay rin ng mensahe ang isa sa mga sponsor na si Jerome Lazo, na binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtutulungan ng komunidad upang masiguro ang sapat na suporta para sa kabataan.

Samantala, nagpahayag din ng suporta ang The Medical City Pangasinan, at iginiit ang kahalagahan ng wastong nutrisyon at pangangalaga sa kalusugan ng mga bata, kasabay ng kanilang kahandaang makiisa sa mga programang may ganitong layunin.

Sa kabuuan, naging matagumpay ang feeding program at muling pinagtibay ang diwa ng bayanihan para sa mas malusog at mas maliwanag na kinabukasan ng mga kabataan.

Facebook Comments