Maaapektuhang manggagawa sa pagpapatupad ng MECQ sa Tuguegarao City, Hihilingin na maisama sa Programa ng DOLE

Cauayan City, Isabela- Hihilingin ni Mayor Jefferson Soriano ng Tuguegarao City sa Department of Labor and Employment ang tulong sa mga manggagawang maaapektuhan ng 10-araw na pagsasailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine.

Ayon kay Soriano, hihilingin nito sa DOLE region 2 ang pagsama sa mga listahan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) at Government Internship Program (GIP) sa mga apektadong manggagawa.

Pakiusap ito ng alkalde sa ahensya dahil sa inaasahang direktang maaapektuhan ang karamihan na manggagawa ngayong isasailalim ang lungsod sa MECQ dahil sa dumaraming bilang ng positibong kaso ng COVID-19.


Sa kabila nito, mahigpit naman na ipatutupad ang ilang hakbang gaya ng ‘No Public Transportation’, limitadong social gathering o kabilang lang dapat sa miyembro ng household, pagsasagawa ng religious gathering sa 5 tao lamang.

Pinapayagan pa rin ang ‘backriding’ subalit kailangan lang na miyembro ng pamilya o kasama mismo sa bahay ang maaring gawin ito ngunit kakailanganin pa rin ang pagkuha ng sertipikasyon mula sa barangay na magpapatunay na kabilang ang parehong sakay ng motorsiklo na nakatira sa isang bahay.

Mahigpit naman na ipagbabawal ang pagbubukas ng gym fitness, SPA, Leisure o Amusement para maiwasan ang posibleng pagkalat ng virus.

Ipapatupad rin ang liquor ban simula bukas maging ang curfew sa oras na alas-9:00 ng gabi hanggang 4:00 ng umaga.

Pinaalalahanan naman ang publiko na ugaliin ang pagsuot ng face mask at face shield para makaiwas sa sakit.

Facebook Comments