Isang oportunidad ang maagang pagbibitiw sa posisyon ng tatlong opisyal sa Gabinete kahapon para maisaayos ang kasalukuyang administrasyon.
Ito ay sakaling maaprubahan na ng Commission on Appointments (CA) ang pagtatalaga sa mga bagong opisyal na papalit kina dating Press Secretary Atty. Trixie Cruz-Angeles, dating Commission on Audit (COA) Chairman Jose Calida, at dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez.
Ayon sa political analyst na si Prof. Jean Franco, maaaring nais lamang ng mga dating opisyal na manatili sa unang 100 na araw ng administrasyong Marcos.
Nang tanungin hinggil sa isyung may faction o magkakasalungat na grupo sa loob ng Malakanyang, sinabi ni Franco na matagal na itong umiiral magmula pa noong panahon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.
Pero aniya, hindi dapat ito makaapekto sa pagbubuo ng desisyon sa Malakanyang.
Pawang nagbitiw na sa kani-kanilang pwesto kahapon sina Atty. Cruz-Angeles at Calida, habang umalis na sa Gabinete ni Pangulong Bongbong si Atty. Rodriguez.