Maagang pagpapalaya kay U.S. Marine Lance Corporal Joseph Pemberton, tinututulan ng Makabayan sa Kamara

Mariing tinututulan ng mga kongresista sa Makabayan ang maagang pagpapalaya kay U.S. Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na convicted sa pagpatay sa transgender na si Jennifer Laude noong 2014.

Ipinag-utos ng Olongapo City Trial Court ang “early release” kay Pemberton sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) dahil sa pagpapakita nito ng magandang pag-uugali.

Giit dito ni Gabriela Representative Arlene Brosas, malinaw na “injustice” sa lahat ng mga kababaihan at sa LGBTQ ang maagang pagpapalaya kay Pemberton.


Sinabi pa ni Brosas na hindi man lang naisailalim talaga sa test ang ugali ni Pemberton dahil ito ay namumuhay ng komportable sa detention facility sa Camp Aguinaldo at hindi man lamang ito nakulong sa New Bilibid Prison.

Nanawagan naman si Bayan Muna Representative Ferdinand Gaite sa korte na i-review ang desisyon at ikonsidera ang apela ng pamilyang Laude.

Sinabi ng kongresista na hindi niya masasabing naparusahan talaga si Pemberton dahil nakakatanggap ito ng special treatment kumpara sa ibang convicted criminals kaya dismayado ito sa desisyon ng korte.

Dahil din sa maagang pagpapalaya kay Pemberton ay muling binuhay ng mga mambabatas ang termination o pagbasura sa Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na itinuturong sanhi ng maraming kaso ng pang-aabuso ng mga Amerikano sa mga Pilipina at sa LGBTQ sector.

Facebook Comments