Iginiit ng Makabayan sa Kamara na dapat ay nakaplantsa at maayos ang Overseas Absentee Voting sa Hong Kong.
Ito ay para hindi sana dinagsa ng mga botante ang unang araw ng absentee voting sa Bayanihan Center sa Kennedy Town kung saan libo-libong mga Pilipino ang pumila pero limitado lamang ang nakaboto.
Giit ng Makabayan, kung batid naman pala ng Philippine Consulate sa Hong Kong ang “capacity limit” sa polling center ay dapat bago pa lang ang unang araw ng absentee voting ay napaghandaan na ito.
Hindi umano maaaring pigilan ang mga Pilipinong gustong makaboto, lalo pa’t tuwing weekends lamang din may panahon at day off ang ating mga kababayan.
Iginiit ng Makabayan na dapat sana’y humiling na ng sampung Vote Counting Machines (VCMs) ang konsulado ng bansa sa Commission on Elections o COMELEC tulad noong mga nagdaang halalan.
Ngayong halalan ay limang VCMs lang ang pinagamit gayong aabot sa 93,886 ang registered voters doon.
Inirekomenda rin na palawigin ang oras ng botohan tuwing weekdays upang may oras pa para makaboto ang mga kababayan na galing pa sa kanilang mga trabaho.