Maayos na transportasyon, edukasyon, MSMEs at sapat na suplay ng pagkain, hirit ng isang kongresista sa SONA ng pangulo

Ilang kongresista pa ang humirit ng kanilang ‘SONA wishlist’ na nais na marinig sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon kay Quezon Rep. Reynan Arrogancia, ilan sa mga nais niyang matalakay ni Pangulong Marcos sa kanyang SONA ay ang krisis na nararanasan ngayon sa mass transportation, prayoridad sa pondo sa edukasyon, pagbangon ng mga maliliit na negosyo, at sapat na suplay ng pagkain.

Una sa pinatututukan ng kongresista ang problema sa mass transportation sa bansa.


Hiniling ni Arrogancia sa presidente na maisama sa SONA nito ang plano para maibsan ang araw-araw na kalbaryo ng mga commuters sa pagsakay sa pampublikong transportasyon.

Umapela ang mambabatas na maipatupad ang ‘route rationalization’ kung saan ang mga rutang sobra ang PUVs ay ililipat sa mga ruta na halos walang bumabyahe upang masolusyunan ang kakulangan ng public transportation sa ibang mga lugar.

Inihirit din ng kongresista na gawing maayos at kumpleto ang pasilidad ng mga paaralan, mayroong nakatalagang health personnel at maayos na internet signal.

Umapela rin ang kongresista ng pagtatakda ng ‘flat rate tax’ sa mga maliliit na negosyo at maayos na implementasyon ng Ease of Doing Business at Anti-Red Tape Authority Law upang makatulong sa unti-unti nilang pagbangon mula sa pandemya.

Pinatitiyak din ng kongresista sa pangulo ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng pagkain at abot-kayang halaga ng pagkain para sa mga mahihirap na Pilipino.

Facebook Comments