Mababang conviction rate, target baguhin ng DOJ

Wala pa sa 25% ang conviction rate ng mga kaso sa bansa.

Sa Department of Justice at Department of the Interior and Local Government (DOJ-DILG) joint press conference sa Kampo Krame ay sinabi ni DOJ Sec. Crispin “Boying” Remulla na sa nasabing bilang kasama pa rito ang mga nasa ilalim ng plea bargaining agreement kung saan hindi ito pasok sa conviction passing rate.

Ani Remulla, nais nila itong baguhin upang tuluyang mapanagot ang mga kriminal lalo na ang mga sangkot sa iligal na droga.


Kasunod nito, inilatag ng kalihim ang ilang mga hakbang upang mapaghusay ang justice system sa bansa.

Kabilang ani Remulla rito ang pagsasailalim sa re-training ng mga law enforcer mula sa surveillance, pagsasagawa ng operasyon, pag-aresto sa mga salarin, pagproseso ng mga ebidensya hanggang sa pagpapanagot sa mga ito sa batas.

Gayundin ang agarang pagsasagawa ng imbestigasyon ng piskalya.

Mahalaga ani Remulla na maging magkatuwang ang Philippine National Police (PNP) at DOJ sa pagsasampa ng kaso.

Paliwanag nito, dahil sa limitado resources walang kaso ang dapat na mabasura upang maitaas ang conviction rate.

Facebook Comments