Ayon kay Dagupan City Mayor Belen Fernandez, napansin na mababa na ang bahagi ng tulay sa Carael at maaaring nakaaapekto ito sa pagdaloy ng tubig sa ilog.
Dahil dito, sinabi ng alkalde na ipapanukala ang elevation ng nasabing tulay bilang bahagi ng mga hakbang laban sa pagbaha.
Samantala, ayon kay Project Engineer Julius Mamayson ng Department of Public Works and Highways o DPWH Region I, kasama rin sa plano ang pagtataas ng bahagi ng Carael Road patungo sa Barangay Calmay.
Layunin ng proyekto na mapataas ang kalsada sa bahaging madalas maapektuhan ng baha at mapabuti ang daluyan ng tubig sa lugar.
Isasagawa ang proyekto sa koordinasyon ng National Government, DPWH, City Engineering Office at mga barangay na sakop nito.
Bukod sa problema sa pagbaha, inaasahang makatutulong din ang pagpapataas ng kalsada at tulay upang mapanatiling madaanan ang Carael-Calmay route kapag tumataas ang tubig.
Patuloy namang pinag-aaralan ang iba pang kinakailangang flood mitigation measures sa mga lugar ng Dagupan na madalas bahain. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
