Ayon kay Pong, nakausap niya sa online marketplace ang naturang lalaki noong Biyernes, September 4, 2026, matapos nitong mag-inquire para rentahan ang camera sa halagang ₱2,500 ng isang araw.
Nagkita ang dalawa kinabukasan, September 5, para iabot ang camera, at napagkasunduan umanong ibabalik ito ng nagrenta kinabukasan sa Baguio City.
May nakatakda rin umanong pakay si Pong sa Baguio kaya doon sana sila magkikita para sa pagsasauli ng kagamitan.
Gayunman, hindi na umano sumipot ang nagrenta at kalaunan ay blinock siya sa lahat ng social media accounts na ginamit sa kanilang transaksyon.
Tinatayang nasa ₱160,000 hanggang ₱180,000 ang retail price ng naturang camera, habang nasa ₱130,000 naman ang halaga nito sa second-hand market.
Mahalaga umano kay Pong ang camera dahil bahagi ito ng kaniyang hanapbuhay bilang photographer at isa sa mga kagamitang pinaghirapan niyang maipundar.
Aniya, nais lamang niyang iparenta ang kaniyang kagamitan upang makatulong sa mga kapwa photographer na nangangailangan ng camera, kabilang na para sa emergency purposes.
Panawagan ng may-ari sa sinumang may impormasyon o makatutulong na makipag-ugnayan sa kaniya upang maibalik ang kaniyang camera, o i-report ito sa mga awtoridad para agad na maaksyunan.
Samantala, nai-report na rin umano ng may-ari ang nasabing insidente sa hanay ng pulisya at umaasang maibabalik ang camera na pinagkukuhaan nito ng hanap-buhay. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







