
Isinulong ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos na gawing “criminal offense” ang road rage upang mapanagot at mapatawan ng mabigat na parusa ang mga sangkot na siga sa kalsada.
Nakapaloob ito sa House Bill 8190 o panukalang Anti-Road Rage Act na inihain ni Rep. Marcos, kasunod ng balita ukol sa road rage sa NLEX, kung saan hinarass at tinakot umano ang isa sa mga anak ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr ng convoy ng gobernador ng Bulacan.
Batay sa panukala ni Marcos, ay paparusahan ng 6-buwan hanggang 4-taong kulong o multang P20,000 hanggang P500,000 ang sangkot sa road rage na driver na agresibo, may pananakot, pagbabanta o pang-ha-harass, at nagdudulot ng panganib sa buhay ng ibang tao at pinasala sa ari-arian.
Ang offenders ay sasailalim din sa anger management trainings, na tutukuyin ng mga korte nang may koordinasyon sa Metropolitan Manila Development Authority at Philippine National Police.
Sususpendehin din ang lisensya ng inaakusahang driver habang sya ay iniimbestigahan at kung mahatulan na guilty ng korte ay habambuhay na syang diskwalipikado sa pagkuha ng lisensya.
Diin ni Rep. Marcos, nakabatay ang kanyang panukala sa prinsipyo ng pagtataguyod sa kaligtasan ng publiko kung saan hindi maaring hayaan na magpatuloy ang road rage sa ating mga lansangan na nagdudulot ng panghabambuhay na trahedya sa buhay ng inosenteng biktima at kanilang pamilya.










