Mabilis at timely na pag-apruba sa 2024 budget at sa 11 priority bills ng Marcos administrasyon, tiniyak ng Kamara

Binigyang katiyakan ni House Speaker Martin Romualdez ang pagprayoridad sa mabilis at timely na pag-apruba sa 2024 national budget at agad na pagpasa sa ilang natitirang priority bills ng Marcos administration ngayong balik-sesyon na ulit matapos ang limang linggong break.

Sinabi ng lider ng Kamara na ang ultimate goal ng mababang kapulungan ng Kongreso ay siguraduhing makakarating sa lamesa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang budget measure at malalagdaan ito bago matapos ang taon.

Ito aniya ay para magarantiya ang pagpapatuloy ng mga mahahalagang serbisyo, masuportahan ang paglago ng ekonomiya at maisulong ang kapakanan ng mga mamamayan.


Ipagpapatuloy naman ng Kamara ang pagtalakay at pagpasa sa 11 panukala na parehong tinukoy sa listahan ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) at sa ikalawang SONA ng pangulo noong Hulyo.

Kabilang dito ang Department of Water Resources and Services, Tatak-Pinoy (Proudly Filipino) Act at Blue Economy Law na lusot na sa mother committee at naghihintay na lamang ng komento mula sa House Committee on Appropriations.

Dagdag pa rito ang panukalang pag-amyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), Government Procurement Reform Act, amyenda sa Cooperative Code, Budget Reforms Modernization, National Defense Act, New Government Auditing Code, at Philippine Defense Industry Development Act.

Facebook Comments