Nagkakaisa ang mga senador sa paghahangad ng mabuting kalusugan para kay Pangulong Rodrigo Duterte na nagsabing maaring humantong sa stage 1 cancer ang kanyang iniindang Barrett’s esophagus.
Ayon kay Senate President Tito Sotto III, sa edad na 75 ay hindi na nakakagulat ang pagkakaroon ng problema sa kalusugan ng Pangulo na sigurado namang naaalagaan ng mabuti ng kanyang partner na si Honeylet na may medical background bilang isang nurse.
Nais naman ni Senator Sonny Angara ang good health para sa Pangulo dahil kailangan ito ng bansa sa pagharap sa hamong hatid ng COVID 19.
Para naman kina Senate President Pro Tempore Ralph Recto at Senator Ronald Bato dela Rosa, mahalagang alagaang mabuti ng Pangulo ang kanyang sarili para sa bansa.
Tiniyak naman ni Senator Christopher Bong Go na inaalagaang mabuti ng Pangulo ang kanyang sarili at wala itong iniindang sakit na seryoso kaya walang dapat ipag-alala.
Diin pa ni Go, mas malakas pa sa kalabaw si President Rodrigo Duterte kung magtrabaho para sa kapakanan ng lahat ng mga Pilipino.
Pero paliwanag ni Go, kailangang ikonsidera ang edad ng ating Pangulo kaya nagiging mahigpit ang Presidential Security Group (PSG) at ang mga doktor sa kanya para masigurong hindi siya magkaroon ng anumang malubhang karamdaman.