Isang pananambang ang naganap kamakalawa ng hapon sa kahabaan ng kalsada sa Barangay Casabangan, bayan ng Pio V. Corpuz sa probinsiya ng Masbate. Patay sa insidente ang mag-amang kinilalang sina Arnulfo Pigon Sr. edad 80 at kanyang anak na si Arnulfo Pigon, Jr., edad 50 pawang mga residente ng Barangay Alegria ng kaparehong bayan.
Ayon sa report, si Pigon Jr., team leader ng Masbate Provincial Operation for Socio – Development and Against Crime (POSDAC) ay siyang nagmamaneho ng pick-up vehicle ng Masbate LGU, kasama ang lima pang empleyedo ng provincial government. Nagkataon naman umanong nakisakay ang kanyang amang si Pigon, Sr.
Habang tumatakbo ang nabanggit na sasakyan sa kahabaan ng High-Way ng Barangay Casabangan, malapit sa rancho na pag-aari ni Barangay Chairman Luis Murtegui, bigla itong inambush ng hindi pa matiyak na bilang ng mga armadong kalalakihan. Patungo sanang Barangay Alegria ng parehong bayan ang nabanggit na pick-up truck.
Napuruhan ang mag-amang Pigon sa unang bugso ng pamamaril na naging sanhi ng kanilang dagliang kamatayan.
Samantala, himala namang nakaligtas sa nasabing pananambang ang lima pang empleyado ng Masbate LGU. Ayon sa statement ng mga nakaligtas, kaagad umano silang nakalabas ng sasakyan at tumakbo papalayo. Kinilala ang mga nakaligtas na sina Chandie Gimena, Genner Pillejera, Gerald Ybañez, Moly Pigon, at si Rogen Tenorio.
Nakuha ng nag-imbistigang pulisya sa crime scene ang basyo ng pinasabog na M203 grenade launcher at mga empty shells ng M14 at M16 Armalite rifles.
Hindi pa batid ang mga responsable sa nasabing pang-aambush habang patuloy naman ang imbistigasyon ng pulisya.
Kasama mo sa balita at serbisyo publiko, RadyoMan Jun Orillosa at RadyoMan Elmer Abad, Tatak RMN!
Mag-Ama, SR at JR, Inambush, Patay sa Masbate
Facebook Comments