Arestado ang isang mag-ama sa Villasis, Pangasinan dahil magkaangkas sila sa iisang motorsiklo na parehong patungo sa trabaho nitong Huwebes.
Kinilala ang dalawa na sina Pedro at Paulo Munez, pawang mga residente ng Barangay Unzad sa naturang bayan.
Ayon sa pulisya, lumabag sila sa quarantine protocol na ipinatutupad ng Inter-Agency Task on Emerging Infectious Diseases (IATF) ngayong panahon ng pandemya.
Patuloy kasi ipinagbabawal sa bansa ang pag-angkas sa motorsiklo dulot ng kawalan ng physical distancing.
Paliwanag ng padre de pamilya, ginawa nila ito dahil wala pa masyadong bumabiyahe na pampublikong sasakyan at kailangan na muling magtrabaho para pantustos sa araw-araw na gastusin.
“Wala kaming masakyan papasok kaya nag-angkas kami. Wala na kaming pambili ng pagkain,” tugon ni Tatay Pedro sa isang panayam.
Paglilinaw naman ni Villasis police chief Major Fernando Fernandez, hindi hihigit sa tatlong oras na pagkakabilanggo at community service ang parusa sa sinumang mahuhuling may sakay sa likod.
Agad naman nakalaya ang dalawa at humiling na magkaroon ng bisikleta na magsisilbing transportasyon nila sa pagpasok.