Mag-asawa, Isa pang Babae, Timbog sa Drug Buy Bust Ops sa Isang Drive Inn Hotel

Cauayan City, Isabela- Himas-rehas ngayon ang isang mag-asawa at isa pang kasamang babae matapos magpositibo sa ikinasang drug buy bust operation ng kapulisan sa isang Drive Inn Hotel sa Purok 6, Brgy. San Fermin, Cauayan City.

Pasado alas 8:00 ng gabi, August 19, 2021, nagsanib-pwersa ang mga elemento ng PNP Cauayan sa pangunguna ni PMaj Jerry Valdez; PLTCol Eugenio Mallillin ng Isabela Police Provincial Office at PMaj Rey Sales ng Highway Patrol Group upang ikasa ang buy bust operation na nagresulta sa pagkakahuli ng mga suspek na nakilalang sina Danilo Guerrero, 45 taong gulang, isang laborer at asawa nito na si Jovie Guerrero, 40 taong gulang at isang Velma Estrada, 48 years old na pawang mga residente ng Brgy. Marabulig Uno, Cauayan City.

Nakuha mula sa pag-iingat ng mga suspek ang buy bust item na isang (1) heat sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu; isa (1) pang sachet ng hinihinalang shabu na nakabalot ng puting papel; 13 piraso ng nagamit na aluminum foil, isang libong piso na buy bust money, isang rolled aluminum foil, dalawang (2) unit ng cellphone, tatlong (3) lighter, cash na nagkakahalaga ng mahigit dalawang libong piso, dalawang (2) unit ng motorsiklo, at dalawang (2) shoulder bag.


Kasalukuyang nakakulong dito sa lock-up cell ng PNP Cauayan ang mga suspek at isasailalim sa inquest proceedings ngayong araw.

Inihahanda naman ng pulisya ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na isasampa laban sa mga nahuling suspek.

Facebook Comments