Mag-asawa, natagpuang patay sa loob ng bahay

78

Malinao, Aklan— Bangkay na nang matagpuan ang mag-asawa sa loob ng kanilang bahay kahapon sa Brgy. Cabayugan, Malinao. Pawang nangangamoy na at nakahandusay sa sahig ng kanilang bahay ang mga biktimang sina Lucila Cabautan, 55-anyos at mister nitong si Jornas Cabautan, 64-anyos. Sa interview ng RMN DYKR Kalibo kay PLt. David Rentillo hepe ng Malinao PNP Station, sinabi nito na dakong alas 9:00 kahapon ng umaga ng matanggap nila ang ulat mula sa isang concerned citizen tungkol sa mabahong amoy na umaalingasaw mula sa bahay ng mga biktima na ilang araw nang hindi lumalabas. Bagamat nakarating sa lugar ang mga pulis ay minabuti nilang sunduin muna ang ilang barangay officials at kapatid ng biktimang si Lucila sa Brgy. Alaminos Madalag. Nang buksan ng mga otoridad ang bahay ng mag asawa ay tumambad ang nangangamoy at naagnas nang bangkay ng mga biktimang magkalapit pa sa isa’t isa. Dagdag pa nito na dumating rin sa lugar ang SOCO Aklan para mangalap ng ebidensiya sa crime scene. Samantala, sinabi naman ng ilang kaanak ng mga biktima na nakita nilang may mga sugat sa bahagi ng katawan si Lucila habang posible umanong hinampas naman ng matigas na bagay sa ulo ang asawa nitong si Jornas. Dagdag pa ng mga ito na may mga bakas rin ng natuyong putik sa isang bahagi ng pader malapit sa bangkay ng mga biktima na pinaniniwalaang doon dumaan ang may kagagawan sa karumaldumal na krimen. Hindi rin umano isinasantabi ang motibong pagnanakaw sa krimen ngunit nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Malinao PNP sa insidente kung saan ngayong araw ay isasailalim sa autopsy examination ang mga bangkay ng mag-asawa.

Facebook Comments