
Narekober ng mga Discaya ang ledgers o records ng mga financial transactions ng ilang mga kongresista at dating opisyal na kanilang pinangalanan at idinadawit sa maanomalyang flood control projects.
Kanina bago magtanghali ay pinayagang makalabas sa kanyang detensyon sa Senado si Curlee Discaya kasama ang asawang si Sarah para hanapin ang ledger o mga dokumento na naglalaman ng records ng kanilang mga naging bigayan ng komisyon mula sa mga government projects.
Gayunman, hindi pa lahat ng ledger ay hawak na ng mga Discaya.
Ayon kay Curlee, ang mga nakuha nilang ledger ay records ng mga ibinigay na komisyon kina Pasig Cong. Roman Romulo, QC District 4 Cong. Marvin Rillo, Caloocan Cong. Dean Asistio, QC District 5 Cong. Patrick Vargas, QC District 6 Cong. Marivic Pilar, USWAG Ilonggo Cong. Jojo Ang, dating Presidential Assistant for the Visayas (OPAV) Usec. Terence Calatrava at dating DPWH Usec. Roberto Bernardo.
Samantala, sa gitna ng pagdetalye ng mga Discaya sa mga naging transaksyon, pinakumpirma ni Senator Sherwin Gatchalian kay Bernardo na nasa pagdinig din kung nagsasabi ng totoo si Curlee.
Batay sa records, sinabi ni Curlee na nagbigay sila ng komisyon kay Bernardo sa pamamagitan ni South Manila District Engineer Manny Bulusan.
Kinumpirma ni Bernardo na may binibigay nga na pera sa kanya si Bulusan pero i-ma-match niya muna ito sa kanyang listahan at hindi naman niya itinanggi na may nakukuha nga siya sa mga Discaya.
Naobserbahan naman ni Gatchalian nang matanong ang mga Discaya na ilan sa mga pinangalanan nila na tumanggap ng kickback ay hindi naman ang direktang pinagbigyan nito kundi may mga tumatanggap para sa kanila.









