Mag-asawang pulis, nagbarilan; misis, patay

22973

Patay ang isang pulis na babae matapos umanong makabarilan ang asawang kapwa pulis sa bayan ng Tubigon, Bohol, Lunes ng umaga.

Kinilala ng awtoridad ang biktima na si PSSgt. Juliet Tuquib na nakadestino sa Clarin, Bohol Police Station, habang tinukoy ang asawa niyang si PSSgt. Ariel Tuquib ng Police Holding Account Unit (PHAU) sa Camp Sergio Osmeña, Cebu City.


Batay sa pahayag ng kasambahay, bandang alas-7 ng umaga nang makarinig siya ng putok ng baril mula sa loob ng kuwarto ng mag-asawa, na agad niyang itinawag sa awtoridad.

Nadatnan ng pulisya ang katawan ni Juliet na naliligo sa sariling dugo at si Ariel na nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang bahagi ng mukha.

Idineklarang dead on arrival ang babaeng pulis sa ospital habang kritikal naman ang kondisyon ng mister.

Tinitingnang anggulo ng motibo ng insidente ang away sa pamilya dahil ayon na rin sa kasambahay ay madalas niyang naririnig na nagtatalo ang dalawa.



Kinumpirma naman ni PCol. Jonathan Cabal, acting provincial director, na na-dismiss umano si Ariel dahil sa mental health issue.


Facebook Comments