Cauayan City, Isabela – Mas maganda sa Boracay ang karamihang mga beach at resorts na mayroon dito sa rehiyon dos dahil sa puting buhangin at mas malinis na tubig. Ito ang naging pahayag ni CEZA Administrator Atty. Raul Lambino sa programang Straight To The Point ng RMN Cauayan, kaugnay sa balitang magiging alternatibo ang region 2 sa pagsasara ng Boracay.
Aniya, maraming beach sa Sta. Ana at sa parte ng Cagayan Economic Zone Authority o CEZA, tulad ng Anguib Beach, Pozo robo Beach, Palaui Island Beach, Crocodile Island Beach, Nangaramoan Beach at iba pa.
Ipinaliwanag pa ni Atty Lambino na sa kabila na naipasara kamakailan ang Nangaramoan Beach dahil sa malawakang bayolasyon nito tulad ng mga naitayong infrastructure na hindi pwede sa lugar at mga paglabag sa sanitasyon, ay nagawan na umano ito ng rehabilitasyon at maaari na itong buksan muli sa darating na buwan ng Hunyo hanggang Hulyo, taong kasalukuyan.
Ito ay dahil na rin umano sa mahigpit na koordinasyon ng CEZA, LGU’s at DENR para mapaganda ang Nangaramoan na isang public beach at pinakamagandang beach sa buong bansa.
Samantala, mahigit sa sampung libong turista na mula sa ibat’ ibang panig ng bansa ang bumisita sa mga beach ng Cagayan nitong nakalipas na semana santa at maaring dumagsa pa ang mga turista ngayong summer.
Magagandang Resort at Beach sa Region 2, Handang Maging Alternatibo sa Boracay!
Facebook Comments