Manila, Philippines – Pinabibigyan ng security details sina Baguio City Mayor Benjamin Magalong at PDEA Director-General Aaron Aquino dahil sa death threats na kanilang natatanggap matapos umanong tumestigo sa Senado kaugnay sa ninja cops.
Ayon kay Deputy Majority Leader Bernadette Herrera, dapat na mabigyan ng seguridad ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawa at ikunsidera ang pagsasailalim sa mga ito sa witness protection program (WPP).
Iminungkahi rin nito na mabigyan ng kaparehong proteksyon ang mga kasalukuyang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) na nais maging o mga naging whistleblowers.
Kasabay nito ay hinimok rin ng mambabatas ang mga police officers na may impormasyon hinggil sa kalakaran ng ninja cops na lumantad na at tumulong sa paglilinis ng kanilang hanay.
Samantala, kasalukuyan ding pinag-aaralan ng lady solon ang mungkahi na ihiwalay na ang PNP Internal Affairs Service mula sa command ng PNP.